Hating Sassy Girl
Ano ulit? Boring ang Sassy Girl?
Nagbabasa ako kanina sa isang forum thread tungkol sa Attic Cat nang madaanan ko ang isang posting na nagsasabing boring ang My Sassy Girl. O sige, hindi exactly boring yung sabi niya… ano lang daw… "medyo na bored ako sa MSG (My Sassy Girl)"
Duh! Hello? Napanood ba niya nang buo yung Sassy Girl. Mahaba siguro yung film baka di kinaya ng short attention span niya. Hindi sa sobrang fan ako o sa wala akong respeto sa taste niya pero sobrang buhay na buhay kaya bawat scene. Okay fine, yung movie imagination sequence medyo mahaba at nakakainis pero para sabihin boring…
"MEDYO na bored ako sa MSG"
Ay sorry, "MEDYO" lang naman pala eh. Hindi ako dapat naiinis. DAPAT… pero imagine naman kung gaano kababaw eto: "saka sorry ha ang pangit ng leading man ng girl dito.. medyo ok ok pa ang leading man sa WINDSTRUCK tlagang nainis ako sa MSG"
Ano raw? Nainis siya sa MSG kasi ang pangit ng leading man? I haven’t seen Windstruck and I’ve heard maganda talaga siya so I won’t comment on that. Pero let me react dun sa "pangit ang leading man"… anong kababawan ba ‘yan? Naiinis kasi "pangit" yung bida. Sana we’ll see beyond faces and star appeal and look more at the material… the plot, the script. Hirap dito sa Pinas, basta gwapo or maganda… okay. Kaya minsan pati janitor at katulong sobrang gwapo at maganda eh.
Besides, hindi pangit yung leading man. Ordinary-looking lang. Hindi gwapo, hindi pangit… common-looking lang. (Para si Justin ng Full House or Noreen ng Attic Cat. Buti pa sa Korea eh, basta may talent saka charming napapansin.) Actually, isa nga ‘yon sa kakaiba sa My Sassy Girl. Eto pa yung napansin ko:
- Gaya ng nabanggit… Hindi ka-gwapuhan yung leading man. And yet, it was the second-grossing film sa Korea in 2001, a surprising hit sa Hongkong and other Asian countries. Sa Pilipinas, sikat na it through word of mouth at pinagpapasapasahan na ang pirated CDs nito. Hindi ito kagaya ng maraming romantic movies na nag-iinvest sa mga sikat na hearthrobs para kumita.
- Mahabang pelikula ito. Lagpas yata ng dalawang oras - may "first half", "second half" at "overtime". Pero sa loob ng dalawang oras, umikot lang ang istorya sa dadalawang tao. No ensemble cast or mga supporting "love teams" na may sariling subplot na dahilan ng away sa mga billing. Dalawang tao lang sa isang simpleng istorya na nakapag-sustain ng interes ng manonood nang lagpas sa dalawang oras.
- Nabanggit ko na di ba? Mahigit dalawang oras. Nabanggit ko na ba? Romantic movie ito. Pero wala itong kissing scene. Ito lang ‘yata ang romantic movie na napanood ko na nakapagpakilig sa akin kahit walang kissing scene. Actually ito lang ata ang napanood kong romantic flick na walang kissing scene. Yung iba puro kiss, may love scene pa nga or bed scene mismo, pero walang kakilig-kilig.
- Kahit ulit-ulitin mo, hindi ka magsasawa. Kasi pag-inulit-ulit mo siya, mas maiintindihan mo siya. At bawat panood mo, may bago kang matutunan o matutuklasan sa pelikula. Kung gaya ka nga ng iba may mapapansin kang space ship. Pero kung mababaw ka talaga… kahit ilang ulit mo sigurong panoorin, mabobore ka pa rin.
- Anong space ship? Dapat nga di ko binanggit yun dito eh. Isa lang yun sa napakaraming sikreto ng pelikula. Ito lang ata ang pelikula na may dalawang magkaibang istorya sa iisang istorya at tadtad ng sikreto. Magulo ba? Basta, hindi subplot kundi secret plot. Iba ang storya sa unang panood mo. At iba ang istorya pag nalaman mo ang sikreto ng UFO. Actually, di ko rin alam na may UFO kasi di mo naman makikita eh. Nabasa ko lang sa isang forum yung secret plot. Payo ko sa inyo… wag munang alamin ang sikreto at panoorin ng buo yung pelikula tapos panoorin ulit pag nalaman ang secret plot. Iba ang storya ng una at huli pero parehong maganda at parehong tatayo kahit di mo alam ang isa. TIP para mag-enjoy: Wag hanapin ang UFO sa unang panood. Ienjoy lang muna ang movie.
Ilan lang ‘yan ha? Yung iba kasi napansin ko rin naman sa ibang magagandang pelikula gaya ng maayos na script, magaling na character development, kakaibang twist at marami pang ibang elemento ng isang magandang pelikula. Sa isang salita, ito ay "ASTIG!"
Hindi ko sinasabing perfect ito - hindi naman ako film student o critique o expert. Isa lang akong ordinaryong movie-lover na mahilig sa pop culture. Gayunpaman, hindi ibig sabihin na gaya ito ng mga ordinaryong pop movies. Kung tinatanong niyo pa rin kung bakit, pakibasa na lang yung taas. Or better yet, watch the movie yourself.
After four years, finally ipapalabas na sa Pilipinas ang My Sassy Girl ngayong September. At kahit pa kalat na ang pirated CDs at DVDs nito, tiyak kong marami sa mga nakapanood na ang manonood muli nito sa big screen. Baka nga advantage pa para dito ang piracy eh. Pag nangyari yun, dadagdagan ko ang listahan sa taas:
- Ito lang ang pelikula na hindi malulugi sa piracy. Dahil sa sobrang ganda nito, pinagpasa-pasahan na ang mga burned CDs nito sa mga dorm, pinag-usapan ng mga hopeless romantic (at maging ng mga nagpapanggap na bato sa pag-ibig), pinagdiskusyunan sa internet forums at inilista ng marami sa kanilang friendster bilang isa sa mga "favorite movies". Kaya nga baka may kulto na ito ng mga fans na inip na inip ng sumugod sa mga sinehan para panoorin ito. Syempre para di na pirated, mas malinaw at big screen pa. At dahil panatiko ang mga ito (gaya ko), tiyak kong maghahatak ito ng mga di pa nakapanood kahit pa manlibre pa para lang makapamilit. At gaya ng CD nito na kumalat through "word of mouth", kakalat pa ito lalo… dadagsain… at sisikat sa Hollywood!
Actually, ginagawan na ito ng version ng Hollywood. Dreamworks ang nakabili ng rights. Pero for now, abangan muna natin yung Korean version. Don’t worry, Tagalog-dubbed ‘to. Sana lang maayos ang dubbing at di mawala sa translation ang magandang screenplay nito. Pero siyempre paborito ko pa rin ang Korean version kahit pa kailangan pagtiyagaan ang English subtitles. Iba kasi ang tono ng mga Koreans, malambing kahit galit.
